Huwebes, Hunyo 30, 2011

Ang istorya ng batang si Rhadson Lopez Mendoza


Dati nahihirapan ako matulog dahil banig lang ang hinihigaan namin, titingin ako sa dingding at nasunog na karton dahil sa gaserang ilaw namin noon sa tahanan namin. Simple lang akong tao, na may simpleng buhay dati. Masaya na ako kapag nakakakain ako ng Mikmik o kaya ng LALA Chocolate sa tindahan.

Simpleng Rhadson, ang tanging gusto lang eh makapagaral at mabilhan ng bagong bag at sapatos dati. Aalalahanin ko na lang lahat, pero ayaw ko ng balikan, ang hirap rin tumira sa isang maliit na bahay, malamok.. kailangan ko pang mag kulambo. Gamit ang unan para pang sara ng kulambo para hindi na kami mapasok ng lamok.

Masaya ako kapag nakakapagulam kami ng adobo dati, isasabaw ang toyo sa kanin, ayos na kami. Ang hirap nung pakiramdam dati na naiinggit ako sa mga bata na may bike dahil hindi pa ko mabilhan ng Papa ko nun, pero ngayon may Motor na ako nagagamit ko kung san ko man gusto pumunta, dati nanghihiram ako ng PS1, minsan nakikinuod lang, ayaw pa kong papasukin ng mga pinsan ko sa bahay nila at naranasan ko na rin pagsaraduhan ng pinto. Ngayon may PS3 na ako sa sarili kong kwarto. 

Katabi ko lagi ang magulang ko matulog, naranasan ko silang masolo ng 5 taon, at ayan binigyan nila ako ng isang napakasayang regalo at yun ang kapatid ko. Inalagaan ko siya at minahal hanggang ngayon, masaya ako at malapit siya sa akin. Hindi kasi lahat ng kapatid malapit sa kapatid nila, minsan naguguluhan nga ako bakit may mga taong hindi sweet sa kapatid eh nasa iisang bubong lang naman sila, minsan magtataka ka mas close pa nila yung mga kaibigan niya eh nasa malayong lugar sila at hindi naman niya talaga kilala ng husto yung mga kaibigan niya.
Basta masaya ako dati, lalo na ngayon. Hindi na ako manghihiram ng PS1, hindi na ako aapihin dahil may pambili na kami. Lahat ng sugat ng kahapon eh dala ko pa rin hanggang ngayon, kahit na ok na ang pakiramdam ko eh hindi ko makakalimutan ang ibang pagmamaltrato nung ibang tao sa akin noong bata pa ako.

Isa rin ako sa batang api ng mga mas nakakatanda sa akin, masyado nilang sinamantala ang kahinaan ko. Ngayon ko lang naiisip ang mga bagay na ito, dahil may isip na ako.
Sinabi ko sa sarili ko noong bata ako na hindi ako magiging tulad nila, magiging magandang halimbawa ako sa bawat isang tao na makikilala ko, gusto ko maging inspirasyon sa iba, ayaw ko mamuhay ng simple lang, gusto ko maraming taong makakakilala sakin, kahit papano naramdaman ko dito sa Tumblr yun, naranasan kong mahalin ng maraming tao. Dito ko rin nahanap yung taong mahal ko, mga taong nagmahal sakin at dito ko nahanap ang bagong grupo ng barkada ko.

Gusto kong pasalamatan ang magulang ko, pinangarap nila sa aming magkapatid na gagawin nila ang makakaya nila mairaos lang kami sa kahirapan. At ito kami ngayon, masasabi kong malaki na ang pinagkaiba ng bahay naming kahoy at karton dati sa bahay namin na may rooftop na ngayon.
Natutuwa ako at hindi ako yumabang, hindi ako naging mapanlamang sa kapwa, dala ang disiplina ng magulang ko at yung mga sinabi ko sa sarili ko nung kabataan pa ako.
Lahat halos ng nasasabi ko dito sa Blog na ito ay karanasan ko. Masasabi ko sa edad kong ito naranasan ko na ang buhay at itsura ng kahirapan, dahil dati lang kaming nasa squatters area.
Kaya lagi ako nagpapapunta ng tao sa bahay ngayon dahil masaya ako na malaki na ito, may rooftop na matatambayan. Hindi tulad dati, aminado ako sa sarili kong kinahihiya ko ang bahay namin. Wala silang makikita kundi ang maliit naming bahay, ang bahay ata namin dati eh kwarto ko lang ngayon. 

Natutuwa lang ako na naranasan ko ang buhay ngayon sa murang edad ko, na kasama ang magulang at kapatid ko, isa lang naman lagi ang sabi sa akin ng Papa ko at Mama ko. “Mahalin mo lang ang kapatid mo”. Isang pangako na palagi kong gagawin kahit hindi nila isipin. Hiningi ko kay God dati na bigyan niya ako ng magandang kapatid na babae at hindi naman siya nagkamali at maganda naman talaga, napagiisipan pa nga nila kaming mag syota ng kapatid ko, ang sakit lang eh noh? Haha!
Marami pang istorya, masyadong mahaba, baka tamarin ka na basahin kaya inisip ko munang putulin dito, bigla bigla na lang pumasok ko na ishare ang buhay namin dati, maari siguro itong maging inspirasyon sa karamihan.
Salamat sa mga taong nagmamahal sakin.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento